Hindi ako isang historian, isang Social Science teacher o isang supling ng mga Rizal. Ngunit, bilang isang estudyanteng sabik na pag-aralan ang mga dating layunin ng bayaning Rizal, ako’y nandito ngayon para bigyan ng depensa ang ating bayaning hindi sumuko sa paggising sa mga siil na Pilipino.
Sa ngayon, nakikita na lang si Rizal na isang estatwang bato na may batong aklat o batong taling nakalubid sa kanyang dalawang pulso. Sa ngayon, si Rizal ay isang ulong bakal na pisa sa pilak na barya. Sa ngayon, siya’y nakikita na lang sa isang museo o aklat.
Kung ako’y tatanungin mo, ang lahat ng mga estatwa’t idolo na itong nakatayo para kay Rizal ay mga simbolo lamang ng pagdiwang at paggunita. Hindi ito simbolo ng pagbago sa isip at puso ng mga Pilipino. Isang beses tinanong ko ang aking kaibigan ko “Ano ba ang alam mo kay Rizal?”. Sabi niya sa akin “Binaril siya. Tapos, he was able to make a propaganda. And, he’s our bayani.” Sabi ko, “Ano pa?”. Sabi niya “Hindi ko na alam iyong iba. Hindi ko naman masyadong sineryoso ang Noli Me Tangere. Para bang kailangan pang malaman ang Noli Me Tangere. We’re new people right now. It’s a new world”.
Ayon sa sinabi ng kaibigan ko na para bang kailangan pang malaman ang Noli Me Tangere dahil ang ating komunidad ay isang “bagong” lipunan na? Bago? Anong bago? Kakurakutan ng gobyerno? Kalbong kagubatan? Naghihirap na tao? Kuru-kurong alimango (crab mentality)? Siil na Pilipino? Mga matitigas na ulo? Mga rebelde? Mga taong nagpapaloko o hindi kaya’t magkaroon ng maling pang-unawa sa relihiyong Katoliko? Ang pagnanakaw ng mahirap sa mayaman at mayaman sa mahirap? Mga abusadong pulis? Patayan? Inggit? Pandaraya? Sugal? Bago ba ang tawag mo riyan? Sa totoo lang, bumalik ang ating kasaysayan noon pang tayo’y nasa magagaspang na kamay ng mga Kastila. Ang nagbago lang naman ngayon ay tayo iyong naging mga Kastila nang kasaysayan sa ating iba’t ibang paraan. At, hindi natin ito napapansin kasi nga sa totoo lang, tulog pa rin tayong mga Pilipino. Siguro ginising ni Rizal ang mga Pilipino, ngunit baka naman nagising ang mga Pilipino sa ideya ng kakurakutan, ugaling manana, pagsisiil ng ibang kapwa, patayan, inggit at kung ano pang mga malalaswang bagay na maiisip mo. Sa madaling salita, hindi nagising ang mga Pilipino sa paraan ng pagiging matuwid, ngunit nagising sila sa pagtuto ng ideyang malalaswa na iniregalo sa atin ng mga dating-panahong Kastila. At sasabihin pa ng kaibigan ko lalo na ang ibang mga batang katamaran (dulot din iyan sa ugali ng mga Kastila) na “para bang kailangan pang malaman ang Noli Me Tangere”. Para bang kailangan? Hindi “para bang”. Kailangan. Hindi para lumawak ang ating abilidad sa wikang Pilipino o mas matutunan ang mga salitang hiwaga at metapora para may maipasa ka sa pagsusulit sa Pilipino ngunit para pukpukin natin ang ating mga tulog na utak sa pamamagitan ng pag-aaral hindi lang sa kabuhayan o paraan ng pagbayani ni Rizal ngunit pati na rin sa kanyang layunin at makabuluhang pananaw sa ating lipunan. Dahil, ngayon naniniwala pa rin ako na ang ating lipunan ay parang lang lipunan ng Kastila’t Pilipino noong unang taon.
At kung ako’y tatanungin mo kung saan ko ba makikita ang mga makabuluhang pananaw’t layunin ni Rizal, ang sagot ko diya’y magbasa ka ng kanyang mga libro ng buong puso at isa sa kanyang libro na siguradong tutunog sa iyong mga isipan ang kanyang Noli Me Tangere.
Sa Noli Me Tangere, makikita mo na sinasabi ni Rizal na ang kanyang minamahal na bansa (Pilipinas) ay kinakapitan ng “kanser”. O pwede rin nating sabihing ang bansa nati’y kumakapit sa “kanser” na ito. At sino ba ang “kanser”? Sagot: Mga Kastila. Kung baga, para silang mga kanser. Kumakapit sa katawan. Kinukuha lahat ng gana at lusog habang namamatay ang kinakapitan at kung susuriin at pag-aaralan ang kasaysayan ng Pilipinas noong nasa magagaspang na kamay pa sila ng Kastila, para nga nilang pinapatay hindi lang ang bansa, hindi lang ang kalusugan, ngunit pati na rin ang mga isip at puso ng mga kapwa Pilipino. Kaya ito naman si Dr. Jose Rizal, gusto niyang gisingin ang mga Pilipino. Gusto niyang tanggalin iyang nakakaantok na kumot ng kataksilan at kasamaan na bumabalot sa ating mga kapwang tulog. At iyon, nagising nga niya. Nagkaroon ng rebelde galing kay Andres Bonifacio at iba pang mga Pilipino. Siyempre, napikon din ang mga Kastila rito. Siyempre, bokeng ang mga tarantado. Paano’t hindi sila mapipikon sa ganyan. At iyon, hindi sumuko sa pakikipaglaban ang Pilipino para sa kanilang kalayaan. Pero iyon na nga, iyong nagkaroon na ng totoong kalayaan mula sa kanser na nakakapit ang mga Pilipino sa kanilang pakikipaglaban, talaga bang nakamit nila ang kalayaan o nagkaroon lang ba sila ng kalayaan na “gayahin” ang mga maduduming negosyo ng mga dating Kastila?
Kung ang Pilipino’y talagang malaya, nagagamit niya ang kalayaang ito sa pamamagitan ng paggawa at paglakad ng mga tamang gawain. Ngunit kung tayo’y malaya talaga, bakit nandiyan pa rin iyang kanser na iyan sa Pilipinas? Ni batas na bawal dumura sa kalye, dudura pa sa kalye. Ni pagkaroon ng stoplight sa daan, hindi pa nila sinusunod. Ni magtatrabaho na lang para makaipon ng “malinis” na pera, magsusugal pa’t pag natalo, magagalit at maaari pa ngang magkainggitan at magpatayan. Ni paggamit ng mga pera para sa mga imprastraktura, binubulsa pa habang nagpapacute sa mga masa at sa mga taong mataas ang tingin sa kanya. Pag nabokeng ang kanyang mga masasamang plano sa gobyerno, uupo pa rin siya sa kanyang posisyon at hindi bababa. Kukuha pa ng abugado kahit alam niyang dinaya niya ang Pilipino. Hindi lang makakuha ng trabaho, hahalang na ang mga bituka’t magnanakaw at minsa’y maglalagay na lang ng tingga sa ulo ng kanyang pagnanakawan. Ang mga matatalino, inilalagay sa baba, kapag ika’y hindi magaling, doon ka sa trono. Ganito ba ang kalayaan? Ganito ba ang Pilipinong malaya sa kanser? Ito ba ang Perlas ng Silangan?
O gawin nating mas simple para sa mga kabataan. Para naman din nila maintindihan na ang Noli Me Tangere ay sumasalamin din sa kanilang buhay. Isang halimbawa na lang ay ang paggawa ng homework. Simple na lang ang homework. Kailangan lang naman magfocus, ang sasabihin pa nila, “mamaya na lang”, “ay bukas na lang”, ay hindi “next time na lang kasi hindi pa naman deadline”. Tapos kapag hindi nagawa sa kanyang ipinangakong oras, babagsak. Bilog sa markahan dulot ng katamaran. Minsan, dahil mas malaki lang siya, papatulan niya iyong maliit. Kapag lumaban si maliit, dahil kaya naman siya ni malaki, aapihin pa siya ng lalo. Minsan, sa groupwork, hindi gagawa ang isang miyembro. Tapos magpapalusot pa iyong miyembrong hindi tumulong. Minsan nga lilibrehin na lang nitong loko-lokong miyembro na ito iyong lider para makalusot eh. Tingnan mo naman iyan, mga kastila rin sa sarili nilang mga paraan.
Kaya nga natin kailangang matutunan at mabasa ang mga sinasabi ni Rizal sa kanyang mga akda. Bakit? Ito’y dahil kailangan nating mabungkal ang mga ugat ng kasamaan noong kasaysayan sapagkat umuulit ang kasaysayan sa kasulukuyan at maaaring sa panghinaharap. At, hindi natin pwedeng tiisin ang mga bagay na ito dahil ito rin ang mismong sisira sa atin pati na rin sa ating kapwa. Sa madaling salita, tayo na rin ay parang mga Kastila. O pwede na rin tayo ang Kapitan Tiago sa Noli Me Tangere na utusan lamang ng taksil at maduming negosyo. Ito tayo ngayon. At kung ating susuriin ang layunin at pag-iisip ni Rizal na nakatago sa kanyang mga sinulat na akda ay dito natin matututunan at mauunawaan ang ating mga maling pamamaraan.
Sabi nga ni Rizal “Noli Me Tangere”. Ang ibig sabihin nito’y huwag mo akong hawakan. Mas magandang kahulugan, huwag mo akong kapitan. Sinasabi niyang huwag tayong kumapit sa kanser. Huwag tayong kumapit sa ating mga masasamang layunin. Huwag tayong kumapit sa mga kamay ng mga halang. Huwag tayong magkaroon ng ugaling “play safe”. Magkaroon tayo ng tamang prinsipyo na ang totoong kalayaan ang taong hindi naaakit sa tukso. Ito talaga ang kanyang sinasabi sa Noli Me Tangere. At kung susuriin mo, ang pagkawala ng prinsipyo at lalo na ang tukso ng kapwa’t Pilipino’t Kastila ang dumudulot sa kanilang pagsaya sa masasamang gawain.
Kaya kailangan ba nating basahin at unawain ang mga akda ni Rizal? Oo. Kailangan ba nating isabuhay sa kasalukuyan ang mga tamang dapat na nagawa ng mga Pilipino sa kasaysayan? Siyempre. Magkakaroon ba tayo ng tunay na kalayaan pag ating nabasa at naunawaan ang mga akda ni Rizal? Iyan, kaibigan, ay isang tanong na sasagutin ng iyong puso.